Lab Hearts 2
Napailing si Rommel sa narinig.
Ang kaniyang kaibigan ay nagawang ilahad ang naguumapaw na pagibig ng walang pasubali. Pero heto siya, nanginginig at tulala. Ni hindi man lang niya magawang magsalita para man lang kamustahin ang babaeng pinapangarap niyang makasama. Gusto niyang maniwala na sapat na ang malagkit niyang pagtitig pero sa kaibuturan ng kaniyang puso, gusto niyang lapitan siya at yakapin ng mahigpit. Pero hindi niya magawa. At hindi niya alam kung bakit.
Isa si Rommel sa “elders” ng barkada. Palibhasa, graduating na siya sa susunod na semester at 2 units na lamang ang kailangan niyang asikasuhin pa. Kung tutuusin, isa na lang ang rason niya kung bakit pa siya nananatili sa unibersidad; iyon ay upang tulungan ang mga kaibigan na nagaaral pa. Taliwas sa kinagisnang buhay ni Elise, laki sa hirap si Rommel. Sa katunayan, kung hindi lang sa problema ng kaniyang pamilya sa pera, noong isang taon pa dapat nakapagtapos si Rommel. Sa kabila ng mga pagsubok na pinagdaanan niya, nanatiling matatag si Rommel. Hindi niya tinuturing na balakid ang mga problemang ito. Ginagamit niya ang mga ito bilang motibasyon para lalo pang pagbutihin ang kaniyang mga ginagawa. Ni minsan ay hindi sumuko si Rommel, isang paguugali na labis na hinangaan ng barkada. Iyon ay kung alam lang nila ang pinakamalaking suliranin na kinakaharap ni Rommel sa ngayon.
Ang buhay pagibig ni “kuya” Rommel ay hindi kasing kulay ng kaniyang buhay pagaaral. Isang beses pa lamang siya nagkakaroon ng nboya at iyon ay noong high school pa lamang siya. Dahil sa kaniyang pagpupursige sa academics, hindi na siya nagkaroon ng oras para romansa. Pero, simula nang makita niya ang kaniyang mga mata, muling tumibok ang animo’y patay nang puso ni Rommel. Nasa ikalawang taon siya noon nang mapasama siya sa barkada. Doon na rin niya nakita ang babaeng pinapangarap niya. Sa unang pagkakataon, naranasan niya ang totoong buhay ng isang collge student: isang buhay na walang permanenteng priority. Nakita niya ang sarili na nagbabasa habang kumakain ng fries sa Mcdo kasama ang barkada habang nakikipagbonding sa babaeng kinahuhumalingan niya. Naging maayos naman ang time allotment ni Rommel. Isa lang ang hindi ayos. Ang patutunguhan ng relasyon nila ng kaniyang minamahal.
Sa loob ng apat na taon, nakuntento si Rommel sa mga simpleng kwentuhan, habang ang kaniyang mga kaibigan ay may mga kayakap na. Hindi naman naasiwa si Rommel. Alam niyang mas kailangan pang pagtuunan ng pansin ang kaniyang mga grado. Pero sa kalooblooban ng kaniyang kaisipan, gusto na niya halikan siya. Madalas sumagi sa isipan ni Rommel ang malambot niyang labi, ang kaniyang balingkinitang katawan, ang kaniyang mahabang buhok, ang mga matang bumihag sa kaniya puso. Ayaw man aminin ni Rommel ang katotohanan, isinisigaw naman ng kaniyang damdamin ang isang pangalan.
Hindi na makapagpigil si Rommel. Kailangan na niyang gumawa ng aksiyon. Hindi siya dapat manahimik habangbuhay. Kung hindi siya gagawa ng paraan, wala siyang mapapala. Sa kadiliman, nagisip si Rommel ng gagawin. Nagplano ng matagal. Nagbasa ng mga libro. Humingi ng payo sa mga “awtoridad ng pagibig.” Sa kaniyang pag-iisa, isang maingay na tunog ang gumambala sa kaniya.
Ten-ten! Ten-ten!
“Dali Rommel pumunta ka na ditto! May problema!”
Isang malakas na alon ang humampas sa mga naglalakihang bato. Kailangan siya ng barkada. Pero dapat niya munang tapusin ang nasimulan. Wala siyang papel na nakita. Kailangang magimprovise.
Agad siyang umalis. At isang kagimbal-gimbal na pangyayari ang tumambad sa kaniyang paningin. Ayaw na niyang pakinggan ang mga salitang lumabas pero hindi ito pinalampas ng kaniyang mga tainga.
“What I’m trying to say is that, I truly, honestly, love you.”
Nagulat si Elise sa narinig. Hindi niya inakalang maririnig niya ang mga katagang iyon sa isang kaibigan. All this time, nakatago ang tunay na nararamdaman para sa kaniya ng taong nakaluhod sa kaniyang harapan.
“I’m sorry. I’m very sorry.”
Dagling tumakbo palayo si Elise. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin, kung paano mag re-react. Sa kaniyang pagkaripas, naiwan sa alabok ang isang sugatang puso. Napailing si Rommel sa narinig. Mas lalo pa siyang napailing nang hindi niya makapa sa bulsa ang papel na nagtatago ng kaniyang mensahe. Wala na siyang magagawa kundi ang titigan ang kaniyang babaeng pinapangarap. Ang babaeng tinakbuhan ng kaniyang pangarap.
Muling Napailing si Rommel.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home